Unang araw ng 5 days unpaid leave ko ngayon. Ginamit namin ni Sam ang panahong ito para kunin ang inaamag kong NBI Clearance sa Carriedo. Nuong 18 August ko pa dapat kinuha ito pagkatapos ng tatlong araw na waiting period sa pagpapalit ng apelyido, pero naging sobrang busy na sa trabaho kaya panay pagpapaliban ang nangyari. Ni wala na nga ito sa computer ng mga nagre-release ng clearance, at kinailangan ko pang pumila sa Media window ng NBI para mapa-reactivate ito.

Pagkatapos sa NBI naglakad kami patungong Plaza Miranda, kung saan ako nagpapiktyur sa harap ng simbahan ng Quiapo.

sa tapat ng simbahan ng Quiapo

Feeling turista? Mas feeling kong parang sumakay ako ng time machine, dahil nuong maliit pa ako sinasama ako ng lola ko sa simbahang ito kung saan sinasabayan ko sya habang siyay naglalakad ng paluhod sa gitnang pasilyo papunta sa altar. Iba na syempre ang hitsura ng Plaza Miranda, pero syempre andun parin sa labas ang mga manghuhula at ang mga nagtitinda ng “herbal” na gamot (sa binisaya pa — mga namaligya ug tambal nga binisaya). At dahil oras narin naman ng tanghalian, napagpasyahan naming kumain sa tanyag at walang kakupas-kupas na . . .

Ma Mon Luk!

Dito rin ako dinadala ng Lola ko matapos ng kanyang panata sa simbahan ng Nazareno. Mahirap paniwalaan na may ganitong lugar sa tabi ng isang magulo at maingay na lansangan. Pero eto parin siya, halos walang pagbabago sa naalala ko nuon.

Ma Mon Luk! Ma Mon Luk!
Ma Mon Luk! Ma Mon Luk!

Tig-isa kaming Special Mami at Special Siopao ni Sam, super fast dumating ang inorder, grabeng dami ng mami (may extra sabaw pa) at kasing laki ng plato ang siopao.

Super Size Me!

Pagkatapos kumain, nilakad namin ni Sam papuntang Recto, na nuon ay kilala ko sa pangalang Zurbaran. Andun parin pala ang Central Market, pero wala na yung dating katabing building nito na kung saan bumibili ng telang pambistida ang auntie ko tuwing Sabado matapos ang sahod. Nineteen kopong-kopong pa yun, dahil naalala kong P20-P25 ang yarda ng chiffon (tela, hindi cake). Sabay ikot sa may Fabella hospital, papuntang Avenida Rizal, kung saan nadaanan namin yung lumang pwesto ng dress shop ni Lola sa tabi ng Knox United Methodist Church. Sira na ang gusaling ito, at matagal na sigurong naglaho yung karatula ni Mademoiselle of Manila.

Naalala ko rin nuon na galit si Lola sa LRT dahil sinira daw nito ang Avenida Rizal. Doble nga ang galit nya, dahil nagtayo rin siya ng branch ni Mademoiselle sa tapat ng Philippine Women’s University sa Taft Avenue.

Konting lakad ulit patungong sakayan ng Purple Line ng LRT. First time namin sumakay dito ni Sam. Ang ganda pala, malaki at malinis ang lugar. Medyo nalito sa pago-operate ng ticket dispenser, pero nung nakuha ko na kung paano madali lang pala. Malapad din ang tren, halos x2 ng tren LRT2 at MRT.

Purple Line Purple Line

Last stop for the day—Island Photo Center sa basement ng Mega B. Nagkadiprensya kasi yung binili naming Kodak CX7330 at medyo masama pa ang loob ko sa Kodak dahil sa malabo nilang replacement policy tungkol sa mga units na defective. Pinaghintay pa kami ng pagkatagal-tagal para makuha ang pahiram na unit ni Island Photo habang pinag-iisipan pa ni Kodak kung anong gagawin dun sa camera naming sira. Pero di bale, meron naman kaming magagamit na C310 sa susunod na mga araw.

Next stop? Abangan . . .

Into a Time Warp

Post navigation


3 thoughts on “Into a Time Warp

  1. hay bru — memeries!! i remember going to fiesta ng quiapo; once when i was a kid and once when i can actually remember the smell, sight and feel of what crowded is. The food, oh yes the food – somehow I associate all the churches (those away from our parish) with food – baclaran / josephine; antipolo / bbq-han and casoy; quiapo / mami siopao, etc etc etc.

    O sya – keep on rockin’!

Comments are closed.